Kunin ang APP Mainit
Home / Pag-ibig / The Princess Challenge
The Princess Challenge

The Princess Challenge

5.0
55 Mga Kabanata
433 Tingnan
Basahin Ngayon

Matapos iligtas ang mayayamang dayo sa Looban mula sa snatcher at muntik mamatay, nalaman ni Abegail na anak pala siya ng isang mayamang negosyante na si Marcel Malvarosa. Mula sa pagtira sa squatter's area, sa isang iglap ay tumira siya sa magarbong mansion at nag-aral sa mamahaling paaralan. Pero di pala ganoon kasimple ang lahat dahil burangas pa rin daw siya at walang dala kundi gulo. Dinudungisan daw niya ang pangalan ng mga Malvarosa. To the rescue naman sa kanya si Roumel, ang kinakapatid niya na crush na crush niya. Ito daw ang titiyak na magiging prinsesa siya na maihaharap ng ama sa mga tao - mahinhin, mabanayad magsalita at kumilos at hindi basagulera. Magugustuhan na kaya siya nito kapag naging prinsesa siya? Kaya ba niyang pantayan ang tunay na prinsesa ng mga Malvarosa na crush nito - ang pinsan niyang si Aiona?

Mga Nilalaman

Chapter 1 TPC 1

Nakakapaso ang init ng araw sa balat. Tagaktak na ang pawis ng sinumang nasa labas ng bahay kahit alas nuwebe pa lang ng umaga. Nakakadagdag iyon ng hirap sa pagtutulak ng kariton na may lamang iba't ibang kakanin at ulam. Pero di iyon alintana ni Abegail at patuloy sa pagtawag sa mga suki niya. Kailangang makabenta siya at maubos ang paninda bago mag-alas dose. Kailangan pa niyang tumulong sa maliit na kainan ng tiyahin sa kanto ng Looban kung saan sila nakatira.

Isang squatter's area sa Taguig ang Looban - pugad ng mga adik, snatcher at mga rugby boys ng lungsod at iba-iba pang ilegal na aktibidades. Umuupa sila sa isang maliit na barong-barong doon at sapat lang ang kita nila sa pagtitinda para sa pang-araw-araw na buhay. Sa Looban na siya lumaki at natuto nang sumabak sa hirap ng buhay. Kung di siya kikilos, di siya makakakain sa araw-araw.

Sa magulong lugar na iyon siya ipinanganak at lumaki. Nanunuot din ang amoy ng Ilog Pasig na dinadala ng hangin. Subalit sanay na siya.

Tagpi-tagpi ang mga barung-barong na nakatirik sa paligid. Sa di-kalayuan ay may mga batang nagtatakbuhan. Tagpi-tagpi ang mga damit at sunog sa araw ang balat. Nakayapak pa ang ilan dahil walang pambili ng tsinelas.

Kahit paano ay mas maayos siyang tingnan sa mga iyon. Nakasuot siya ng pantalong maong na abot hanggang tuhod. May himulmol na sa dulo subalit mas presentable pa ring tingnan. Nakalilis ang manggas ng kanyang abuhing kamiseta. May nakataling bandana sa kanyang ulo upang protektahan siya sa sikat ng araw.

Napatingala siya nang biglang lumilim sa pwesto niya. "Magpayong ka, Abegail. Ayokong masira ang balat mo," sabi ni Dado.

"Huwag mo na akong payungan, Dado. Sanay na ako sa init ng araw. Ikaw na lang ang magpayong dahil baka sisihin pa ako ng nanay mo kapag mangitim ang makinis mong balat," pasaring niya.

Kapit-bahay niya ito at anak ni Aling Bebang, may-ari ng paupahang barung-barong sa kanilang lugar. Hamak na nakakaangat ang pamumuhay nito dahil may tindahan din ang ina nitong si Aling Bebang. Bukod pa sa nagpapautang ito ng five-six.

Hindi nito itinatagong gusto siya. Subalit hindi siya interesado dito kahit madalas siyang gawan ng pabor. Hindi niya kailangan ng lalaki sa buhay niya.

Disisais anyos siya at ulila sa ina. Namatay ang nanay niyang si Guila nang sampung taong gulang siya. Nagka-dengue ito at huli na para masagip pa nila.

Siniko siya ng binata. "Ano... kukumbinsihin ko si Mommy na sa susunod na pasukan sa public school na lang ako pag-aralin. Kung saan ka, doon na rin ako."

"Shunga ka rin 'no? Sa private school ka na nga iginagapang na pag-aralin ng nanay mo, lilipat ka pa sa siksikan at mainit na public school."

"G-Gusto kasi kitang makasama."

Tinaasan niya ito ng kilay. "Para ano? Para payungan mo ako? Para sundan-sundan mo ako na parang aso? Dado, parang sinabi mo na rin na wala kang ambisyon sa buhay."

Naiinggit siya dito dahil siya ay walang ideya kung kakayanin pa niyang mag-aral sa senior high school. Iginapang lang siya ng tiyahing si Carol na kapatid ng nanay niya. Wala naman kasi siyang ibang kamag-anak. May anak pa ito na halos kaedad niya - si Maria Judie.

May lugawan sila sa kariton sa kanto. At para may extra pang kita ay nagluluto ng ulam at kakanin ang tiyahin niya sa umaga para ilako niya habang bakasyon. Para daw mapag-ipunan niya ang pag-aaral niya sa senior high school at sa kalauan ay sa kolehiyo.

Matalino naman siya ayon sa adviser niya. Pero laging namemeligro ang grade niya dahil di siya nakakapagpasa minsan ng requirement lalo na kapag magastos ang projects. Binabawi na lang niya sa recitation at sa exams. Pero alam niya na kung gusto niyang umabot ng kolehiyo, kailangan niyag doblehin ang pagkayod. Wala siyang makukuhang scholarship kung mababa ang grades niya.

"Ito talaga masyadong seryoso. Sumama ka naman sa amin na mag-swimming," yaya ng kaibigan.

"Wala nga akong kapera-pera, swimming pa kaya." Gusto nga niyang mag-ipon sa buong bakasyon pero gastos naman ang naiisip nito.

"Ililibre kita. Sige na. Para makapag-relax ka naman."

"Ang kulit mo talaga," aniya at umingos. "Tulungan mo na lang akong magtawag. "Turon! Banana cue! Kalamay kayo diyan!"

"Dito! Gusto ko iyan!" anang grupo ng mga kalalakihan na nakatambay sa kanto.

Nanigas ang katawan nila ni Dado nang makita ang Tukmol Gang - ang grupo ng mga adik at panggulo sa lugar nila. Laging hina-harass ng mga ito ang tao sa Looban para manghuthot o manghingi ng libre na paninda. At kapag di nagbigay, naninira ng ng gamit ang mga ito.

"Balik na lang tayo," anang si Dado at pinigilan ang kariton niya. "Tiyak na huhuthutan ka niya kapag lumapit tayo sa kanila."

"Huthot nila mukha nila. Mas kailangan ko ang tuition ko. Tigil-tigilan nila ako," sabi niya at ipinagpatuloy ang pagtutulak ng kariton. Naghihintay na ang mga suki niya. May nag-text na sa kanya kanina pa kaya di niya pwedeng palampasin ang pagkakataon dahil lang sa mga talipandas ng Looban.

"S-Sa ibang eskinita na lang tayo magtinda."

Pumiksi siya. "Kung natatakot ka, bumalik ka na lang. Kaya ko ito." Walang siga-siga sa kanya.

"Miss, gusto ko 'yang turon mo at banana cue. Papakyawin na namin," anang si Jonston na dati niyang kaklase pero na-kick out sa eskwelahan matapos nakawan ng cellphone ang teacher para daw may mairegalo sa nililigawan nito.

"M-May may-ari na po ng mga ito," sabi ni Dado at kumaway. "P-Pasensiya na."

"Kung may may-ari na niyan, bakit pa kayo nagsisisigaw kanina?" tanong ni Ador na mukhang nilamukot na utot ang mukha. Beinte pa lang ito pero mukhang treinta na. Epekto siguro ng droga.

"B-Bibigyan na lang namin kayo. Wala naman problema. 'Yung para sa akin na lang ang bilhin niyo," nanginginig na sabi ni Dado. "Ilan ang gusto ninyo?"

"May pambayad ba kayo?" nakataas ang kilay na tanong ni Abegail. "Kasi kung wala kayong pambayad, pupuntahan ko na 'yung mga taong may pambayad."

"Magbabayad kami? Di mo ba alam na kay Ador itong eskinitang ito? Kanya ang Looban. Kaya 'yang turon ninyo, iyan na ang bayad sa kanya. Bigya nyo kami ng tig-iisang banana cue at tigda-dalawang turon."

"S-Sige po." Nangangatal na kinuha ni Dado ang plastic at tong.

Pinigilan ito ni Abegail nang akmang kukuha ng turon ang kaibigan. "Sandali. Gusto ko lang linawin. Wala silang pambayad at di naman nila pag-aari itong Looban. Pare-pareho lang naman tayong squatters dito. Bakit ko sila bibigyan ng libreng pagkain? Ang lalaki ng katawan bakit di magbanat ng buto? Di na na nga nakakatulong sa lipunan, perwisyo pa. Inutil!"

"Anong sabi mo?"

Magpatuloy sa Pagbasa
img Tingnan ang Higit pang mga Komento sa App
Pinakabagong Release: Chapter 55 TPC 55 (Wakas)   04-15 10:26
img
img
Chapter 1 TPC 1
08/04/2022
Chapter 2 TPC 2
08/04/2022
Chapter 3 TPC 3
08/04/2022
Chapter 4 TPC 4
08/04/2022
Chapter 5 TPC 5
08/04/2022
Chapter 6 TPC 6
08/04/2022
Chapter 7 TPC 7
08/04/2022
Chapter 8 TPC 8
08/04/2022
Chapter 9 TPC 9
08/04/2022
Chapter 10 TPC 10
08/04/2022
Chapter 11 TPC 11
08/04/2022
Chapter 12 TPC 12
08/04/2022
Chapter 13 TPC 13
08/04/2022
Chapter 14 TPC 14
08/04/2022
Chapter 15 TPC 15
08/04/2022
Chapter 16 TPC 16
08/04/2022
Chapter 17 TPC 17
08/04/2022
Chapter 18 TPC 18
08/04/2022
Chapter 19 TPC 19
08/04/2022
Chapter 20 TPC 20
08/04/2022
Chapter 21 TPC 21
08/04/2022
Chapter 22 TPC 22
08/04/2022
Chapter 23 TPC 23
08/04/2022
Chapter 24 TPC 24
08/04/2022
Chapter 25 TPC 25
08/04/2022
Chapter 26 TPC 26
08/04/2022
Chapter 27 TPC 27
08/04/2022
Chapter 28 TPC 28
08/04/2022
Chapter 29 TPC 29
08/04/2022
Chapter 30 TPC 30
08/04/2022
Chapter 31 TPC 31
08/04/2022
Chapter 32 TPC 32
08/04/2022
Chapter 33 TPC 33
08/04/2022
Chapter 34 TPC 34
08/04/2022
Chapter 35 TPC 35
08/04/2022
Chapter 36 TPC 36
08/04/2022
Chapter 37 TPC 37
08/04/2022
Chapter 38 TPC 38
08/04/2022
Chapter 39 TPC 39
08/04/2022
Chapter 40 TPC 40
08/04/2022
MoboReader
I-download ang App
icon APP STORE
icon GOOGLE PLAY