I want to protect her but everyone seems to hate this girl. Lahat ng tao siya ang sinisisi. That she's a bad luck and a curse girl. Pero ang hindi nila alam, isa lang siyang normal na babae na sawang sawa na sa mga nakapaligid sa kanya. Alam kong inosente siya at wala siyang kinalaman sa mga nangyayaring pagpatay o ako lang itong pilit na isinisiksik sa utak ko na wala siyang kasalanan?
"Ang pangit naman ng movie na 'to."
Kaagad kong tinanggal sa dvd player ang dvd na hiniram ko sa kaklase ko. Kahit kailan talaga walang kwentang magrekomenda ang lalaking iyon.
Dala-dala ang DVD, kinuha ko ang nakasabit kong jacket sa kama at maingat akong lumabas ng kwarto. Mahirap na at baka magising pa sila mama. Makakatikim na naman ako ng walang hanggang sermon at ilang batok sa kanya.
Paglabas ko ng bahay ay isinuot ko na ang jacket ko at tinahak ko ang daan papunta sa bahay ng kaklase ko.
Alas-dyis na ng gabi at tahimik na rin sa buong paligid. Tanging ang streetlights na lang ang nagbibigay ng liwanag sa bawat kalye. Tunog na lamang ng ilang mga sasakyan ang tanging maririnig mo. Paliko na sana ako sa isang kanto nang bigla akong napapitlag dahil may biglang tumakbong itim na aso sa harap ko. Dahil sa pagtataka ay tinignan ko kung saan nanggaling ito. Nakita ko ang isang dead end na puno ng bag ng basura at ang isang patay na pusa na wakwak ang tyan.
Bago pa ako tuluyang masuka ay umalis na ako sa lugar na iyon. Hindi kalayuan ang bahay ng kaklase ko sa bahay namin kaya wala pang limang minuto ay narating ko na ito. Naabutan ko siyang naglalabas ng basura.
"Hoy, Edwardo. Wala ka talagang kwenta kahit kailan," pagtawag ko sa kanya dahilan para makuha ko ang atensyon niya.
"Ano na naman? Hindi mo na naman ba nagustuhan ang nirekomenda ko sa'yo?" Usisa niya habang nakapamewang. Kung hindi ko lang siya kababata ay baka mapagkamalan ko siyang bakla dahil sa mga kilos niya.
"Mabuti naman at alam mo. Eto," sabay palo ko sa tyan niya ng DVD na dala ko. "Sinayang mo lang ang oras ko."
"Wow ha. You're welcome ha," pamimilosopo pa niya. Hindi ko na lamang siya pinansin at lumakad na ako palayo. Pupunta na lamang ako ulit sa convenience store para bumili ng instant noodles.
Pagdating ko doon ay iilan lamang ang customer. Lumapit ako sa corner ng mga mga instant noodles. Habang namimili ako ay napansin ko na naman ang babaeng laging nakajacket na itim. Nakaupo na naman siya sa parehong pwesto at oras noong una ko siyang nakita. May mahaba siyang buhok na hanggang balakang. Malamlam ang kanyang mga mata at may nakapasak sa tenga niya na earphone.
Kumuha ako ng paborito kong instant noodles at kaagad ko rin itong binayaran. Nilagyan ko ito nang mainit na tubig tsaka ako pumwesto kung saan ko kitang kita ang babaeng iyon.
Kagaya ng dati, tahimik lang siya habang may iginuguhit sa dala dala niyang sketchpad. Sa pagkakaalam ko ay charcoal pencil ang gamit niya.
Lagi ko siyang naaabutan dito pero kahit minsan ay hindi ko siya nakikitang kumakain o bumibili man lang ng kahit ano.
Sinimulan ko nang kainin ang instant noodles ko. Nagkatikot na rin ako sa phone ko at nagbasa ng paborito kong detective stories.
Nabaling ang atensyon ko sa babaeng iyon nang tumayo na siya. Binitbit niya ang kanyang sketchpad at kaagad na lumabas ng convenience store. Sinuot pa niya ang hoody ng kanyang jacket bago tuluyang makalayo.
Tumingin ako sa relo ko at alas-onse na pala. Sa kaparehong oras din siya umaalis kagaya dati. Ilang gabi ko na din siyang nakikita dito at parehong pareho lang din ang kanyang ginagawa.
Kinabukasan ay tinanghali ako ng gising kaya nagmamadali akong nagbisikleta papasok ng eskwelahan. Pagpasok na pagpasok ko ng gate ay saktong pagsara naman nito.
"Mabuti at nakaabot ka pa, Neil," natatawang sabi ni Manong Bert sa akin. Siya ang nakashift tuwing umaga para magbantay ng gate. Naging malapit na rin siya sa akin dahil na rin sa pagiging huli kong pumasok.
"Oo nga po eh. Una na po ako," paalam ko matapos kong iparada ang aking bisikleta. Mabilis akong tumakbo papunta sa classroom namin na nasa ika-apat pang palapag kaya pagdating ko doon ay hingal na hingal ako.
"Sorry, ma'am! Tinanghali na naman po ako ng gising," sigaw ko pagbukas na pagbukas ko pa lamang ng pinto.
Nagtaka ako dahil wala akong narinig na boses ni Mrs. Landicho, yun pala ay nakatingin sila lahat sa akin at saka sila sabay sabay na nagtawanan.
"Mr. Wesley! Late ka na naman! Doon ka sa corridor! Tumayo ka sa labas habang nakataas ang dalawang kamay mo sa loob ng tatlumpong minuto!" Utos sa akin ni ma'am na hindi ko kaagad nagawa dahil nakuha ng babaeng nakatayo sa harap ang atensyon ko.
Siya ang babaeng nasa convenience store. Kagaya noong nakikita ko siya, suot suot pa rin niya ang itim na jacket na iyon. Nagkatinginan kaming dalawa at kitang kita ko kung paano manlaki ang kanyang mga mata na kaagad niya ring iniwas sa akin.
"What are you waiting for, Mr. Wesley? I said get out, now!" Muling utos ni ma'am.
"Sorry, ma'am!" Dahil sa takot na madagdagan pa ang parusa ko ay kaagad kong sinunod ang utos ni ma'am.
Sobrang sakit ng balikat ko at katat na ngalay ang naramdaman ko dahil sa parusang iyon. Mabuti na lang at wala ang sumunod na subject teacher namin kaya sa cafeteria na ako dumiretso.
"Pare! Natikman mo na naman ang parusa ni Ma'am Landicho!" Pang iinis pa ni Edwardo nang akbayan niya ako.
"Tigilan mo nga ako, Edwardo!" Sita ko sa kanya at tinanggal ko ang kamay niya na nakahawak sa balikat ko. Lumapit ako sa counter ng cafeteria kung saan umorder ako ng isang slice ng pizza at coke in can.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na hindi Edwardo ang pangalan ko. Edward. EDWARD," paglilinaw pa niya at umorder na rin siya ng pagkain niya.
Papunta na sana kami sa bakanteng lamesa nang madako ang tingin ko sa babaeng iyon. Kumakain siya nang tahimik at mag isa.
"Oy pre, type mo si Michaella no?" Narinig ko namang sabi ni Edwardo. Tinignan ko na lamang siya nang masama at napailing. Wala na talaga papantay sa kamalisosyohan ng kaibigan kong ito. Dumiretso na ako sa bakanteng lamesa at nagsimulang kumain.
So, Michaella pala ang pangalan niya.
Nagsimula na ring lantakan ni Edwardo ang pagkain niya. Tanaw mula sa pwesto ko si Michaella na tahimik na kumakain at nakikinig sa suot niyang earphone.
"Pare, sa dinami dami ng babae dito sa campus, bakit ang weird naman ng napili mo?" Pagtatanong ni Edwardo dahilan para tignan ko na naman siya ng masama.
"Anong pinagsasabi mo dyan?" asik ko sa kanya.
"Kanina mo pa tinitignan si Michaella. Sa pagkakakilala ko sa'yo, hindi mo titignan o papansinin man lang ang isang tao kung hindi ka interesado no," paliwanag naman niya.
Hindi ko na lamang siya pinansin at pinagpatuloy ko na lang ang pagkain. Napaisip ako bigla nang mapatingin na naman ako kay Michaella. Bakit kaya suot-suot pa rin niya ang jacket niya gayung mainit naman ang panahon kapag umaga? Tapos pati ang buhok niya ay napakahaba na para bang tinatago niya ang mukha niya.
Ilang sandali lang ay lumapit na sa amin ang barkada namin para makisabay kumain. Kagaya nang nakasanayan ay tahimik lamang akong nakikinig sa pinag uusapan nila at kapag may tinatanong lamang sila ay tsaka ako magsasalita.
Ito ang nakakatawa sa grupo ko. Iisa lang naman ang routine ng pag uusap nila. Hahanap sila ng mga taong pwede nilang lait laitin at pagdiskitahan. Malalakas kasi ang loob nila dahil lahat sila ay kilala sa buong campus. Tama ang nabasa ninyo. Nasa grupo ko ang lahat ng sikat kaya nagtataka rin ako kung bakit ako nasama.
Edward Lopez -isang anak ng nag mamay-ari ng sikat na Pawnshop sa lugar na ito.
Mitzi Florentine – nag-iisang anak ng Mayor.
Geraldine Monteverde – Smartest girl in Campus. Siya lagi ang pambato kapag may Quiz bee or competition sa ibang school. Anak naman siya ng may ari ng sikat na amusement park.
Jaypee Madrigal – ace placer ng school basketball team.
Shaina Termino – anak ng may ari ng isang sikat na coffee shop malapit sa school.
Henry Wilfredo – anak ng dalawang sikat na surgeon sa isang private hospital.
Gio Sandres – anak ng school principal.
Veronica Romualdez – anak ng isang kilalang artista.
Christopher Martinez – anak ng isang chief inspector.
Ako? Isang simpleng estudyante lang ako na nahalo sa kanila. Hindi ko rin alam kung paano ko sila natagalan. O sadyang wala lang talaga akong pagpipilian na makakasama.
"Hoy, pare! Tulala ka na naman dyan!" Tinignan ko nang masama si Jaypee nang batukan niya ako. Mahilig lang akong tumingin ng masama pero hindi ako bakla.
"Baka tinititigan niya ulit si Michaella," pag-epal naman ni Edwardo.
"Who's Michaella?" pag-uusisa ni Veronica. Hindi nga pala kami magkakaklase. Tanging si Edwardo, Geraldine, Henry at Mitzi ang kaklase ko sa section A. Samantalang sila Jaypee, Shaina, Gio, Veronica at Christopher ang nasa section B.
"Transfer student sa section namin. Kakapasok lang niya kanina," matipid na sagot ni Geraldine na hindi man lang inaalis ang tingin sa binabasang libro.
"Nasaan siya?" Tanong naman ni Gio na patingin tingin sa paligid.
"There she is. The girl with a long hair and she's wearing black jacket," turo naman ni Mitzi kay Michaella.
"Woah, pare. Kailan ka pa nagkainteres sa ganyang babae?" Natatawang tanong naman ni Christopher.
Mukhang nakaramdam si Michaella na pinag-uusapan namin siya kaya kaagad ring siyang umalis sa pwesto niya.
"Huwag niyong patulan si Edwardo. Gumagawa lang ng kwento 'yan," iritable kong sabi sa kanila.
"Ang init-init nakajacket siya. Another weirdo, huh," komento naman ni Jaypee sabay kagat sa binili niyang sandwich.
"Stop it, guys. Hindi naman siguro magkakamali si Neil na patulan ang weirdo na 'yon no," maarteng sabi naman ni Shaina. Nakakairita lalo ang boses niya. Naiinis ako na ewan.
"Malay mo naman," kantyaw pa ni Henry.
Konting konti na lang talaga at mabibwisit na ako sa kanila kaya bago pa maubos ang pasensya ko ay tumayo na ako.
"Oh, pre. Saan ka pupunta?" Tanong ni Gio nang hawakan niya ako sa balikat.
"Babalik na sa classroom. Matutulog muna ako," walang kabuhay-buhay kong sagot. Hindi ko na pinansin pa ang mga sinasabi nila at tinahak ko na ang daan pabalik sa classroom.
Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko si Michaella na tahimik na nakatingin sa labas ng bintana. Doon siya nakaupo sa tabi nito. Kagaya ng dati, tuwing nakikita ko siya, nakikinig pa rin siya sa earphone niya. Ngayon ko lang nalaman na magkatabi pala kami ng upuan.
Umupo na ako sa pwesto ko nang hindi man lang niya napapansin. Mukhang malalim ang iniisip niya. Muli kong tinignan ang suot niyang jacket. Siguradong may dahilan kung bakit sinusuot niya pa rin ito kahit mainit naman tuwing umaga. Pero sadyang ipinanganak na talaga ako na may kyuryosidad sa katawan. Wala naman sigurong masamang magtanong, diba?
Kakalabitin ko na sana siya pero biglang nagsipasukan ang ilan kong mga kaklase. Napabuntong hininga na lang ako at pinagsawalang bahala ang katabi ko. Ilang sandali pa ay pumasok na rin si Edwardo kasama sila Mitzi.
"Nako, magkatabi pala ang couple of the year," pang aalaska pa ni Edwardo nang umupo siya sa tapat ko.
"Tumigil ka nga," sita ko sa kanya at tinignan ko siya nang masama.
"Oh, chill ka lang pare. Ang init naman ng ulo mo, eh. Pero eto pre, kawawa yung estudyanteng binully nila Shaina kanina. Inagawan nila ng pagkain tapos binuhusan nila ng juice. Ako naman, sinayawan ko hanggang sa nagtatakbo paiyak," kwento pa niya habang nagpipigil ng tawa.
Ito ang pinakaayaw ko sa kanilang lahat. Nangbubully sila ng mga walang kalaban laban. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ako makaalis sa grupo nila. At mas lalong hindi ko alam kung bakit hindi ko sila pinipigilan.
Napatingin ako kay Michaella nang mapansin ko ang pagkuyom ng palad niya. Hindi kaya naririnig niya ang pinag-uusapan namin?
Hindi na lang ako nagreact sa kinwento ni Edwardo at sakto namang pumasok ang Mathematics Teacher namin na si Mrs. Valderama. Nakasuot siya ng white blouse at black pants at hindi school teacher's uniform. Sa pagkakaalam ko ay kamamatay lamang ng asawa't anak niya. Pinatay ito mismo sa kanilang bahay ng hindi makilalang magnanakaw. Sa harap niya mismo binaril ang kanyang pamilya at tanging siya lamang ang nakaligtas.
Kagaya ng mga nakaraang araw ay matamlay pa rin si Ma'am. Itinuturo lamang niya ang nakaatas na leksyon sa araw na ito at magpapasagot ng ilang tanong. Habang nagsasagot kami ay hindi ko mapigilan na matyagan siya. Siguro ay dahil napansin ko na may kakaiba sa kanya ngayon. Balisa siya at patingin tingin sa paligid.
"Urgh! Bakit hindi ko masagutan?" Reklamo naman ni Edwardo. Tinignan ko naman ang iba kong mga kaklase at wala namang kakaiba sa kanila maliban na lang sa mga iritable nilang mukha dahil hindi nila masagutan ang ibinigay ni Ma'am.
Tinignan ko rin si Michaella at tahimik lamang siyang nagsasagot. Wala pang isang minuto ay bigla siyang nag-angat ng ulo at tinignan din ako. Ang mga mata niya, bakit wala akong mabasa sa mga mata niya?
Nasira ang pagtititigan namin nang bigla kaming nakarinig ng tunog mula sa harapan. Inusod ni Ma'am ang kanyang lamesa papunta sa blackboard. Umakyat siya doon at tinanggal niya ang nakasabit na dekorasyon sa kisame kung saan nakakabit sa isang matibay na hook. Nang ibaba na niya ang dekorasyon, ay may kinuha naman siya sa kanyang bag. Isang mahabang lubid.
"Anong ginagawa ni Ma'am?" Narinig kong tanong ni Mitzi hindi kalayuan sa pwesto namin.
"Mukhang may bagong pakulo si Ma'am Valderama, ah," natatawang sabi naman ni Henry.
Muli akong napatingin sa harapan at nakita kong itinatali na ni Ma'am ang lubid sa hook. Panay na rin ang bulungan ng mga kaklase ko.
"Magpapakamatay siya," nabaling ang tingin ko kay Michaella. Siya ba ang nagsalita?
"Ma'am!" Sigawan ng mga kaklase ko kaya nabalik ang atensyon ko sa harap.
Isinusuot na ni ma'am ang kanyang ulo sa pagitan ng lubid. Hindi pwede ito. Magpapatiwakal nga siya! Mabilis akong tumayo at tumakbo sa harap pero huli na ang lahat. Nakasabit na ang katawan ni Mrs. Valderama. Mulat ang kanyang mga mata at may ilang luha pang tumulo mula doon.
Tilian at pagpapanic ang namuo sa buong classroom. Ang ilan ay mabilis na tumakbo palabas dahil sa sobrang takot.
"Oh my God! Oh my God!" Iyak ng iyak si Geraldine habang inaalo naman siya ni Mitzi.
"Henry! I-report mo ito sa office!" Utos ko sa kanya na kaagad rin naman niyang ginawa.
"WTF, pre. Si Ma'am," si Edwardo nang lapitan niya ako. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin kay Ma'am.
Muli kong pinagmasdan ang crime scene. Mula sa pinto hanggang sa mga kaklase ko. Ang lamesa na tinungtungan ni Ma'am at ang lubid na ginamit niya. Mula sa ulo ni Ma'am hanggang sa suot niyang sapatos.
Isa lang ang masasabi ko, hindi ito basta basta suicide case.
I'm just a nerd ugly looking girl transferred into another private school. Isa lang naman ang gusto ko, ang makapagtapos ng high school ng walang problema. But fate tried to play with me. As I became part of section F, secrets keep on showing up and when secrets revealed, all I have to do is to choose between my happiness and other people's safety.