Hindi siya kagandahan alam niya. Minsan tinatawag pa siyang mukhang weirdo pero wala siyang pakialam. Siguradong-sigurado siya na mapapasakanya ang gwapong-gwapong si Clyde del Espania dahil umaasa siya sa gayuma na nakasulat sa libro ng lola niya. Paano naman kung ang lahat nang pangagayuma niya ay nauudlot dahil sa kinaiinisang kambal nito na si Kyle del Espania? Alam nitong patay na patay siya sa kambal nito kaya't tinutulungan siya nito kung paano siya mapapansin at magugustuhan ni Clyde. May sariling layunin din kasi ang lalaki dahil gusto nitong bawiin ang babaeng mahal nito na si Claire na siya ngayong fiancee ng kambal nito na si Clyde. Pero paano pa niya ipagpapatuloy ang usapan nila kung siya mismo ang parang nagagayuma sa kambal ng lalaking kinababaliwan niya dati? Paano kung si Kyle na pala ang itinitibok ng puso niya? Makukuha niya rin kaya ito sa gayuma kahit alam niyang mahal na mahal pa rin nito ang ex nitong si Claire?
Siya si Natasha Policarpio. Ang lola niya ang nagbigay ng pangalan na iyon. Ito lang ang may karapatang bigyan siya ng pangalan dahil basta na lang siyang iniwan ng ina niya pagkatapos siya nitong iluwal. Ang ama niya ang anak ng lola niya pero namatay ito bago pa man siya lumabas sa mundo. Wala na silang balita sa ina niya mula nang iwan siya sa pangangalaga ng matanda.
Kilala ang lola niya bilang manghuhula sa probinsiya nila. Dinadayo rin ito ng mga babaeng may gustong gayumahin dahil ayon sa mga naririnig niyang kwento mula sa parokyano ng lola niya ay napapangasawa naman talaga ng mga babaeng iyon ang mga lalaking ginayuma ng mga ito. Iyon lang ang tanging bumubuhay sa kanilang mag-lola. Minsa ay gusto na niyang tumigil sa pag-aaral para maghanap ng trabaho sa Maynila para matulungan ito. Ang plano pa nga niya ay isama ito kapag makahanap na siya ng trabaho doon. Tigas-tanggi naman ang lola niya. Lagi na ay napapagalitan siya kapag sinasabi niya iyon. Nag-iisang anak lang kasi nito ang ama niya kaya't siya na ang itinuturing nitong anak mula nang isilang siya. Hindi pa naman ganu'n katanda ang lola niya. Nasa mid-fifties pa lang ito at malusog na malusog pa ang pangangatawan. Ni wala pa nga siyang nakikitang puting buhok sa ulo ng lola niya.
Sa susunod na taon ay magkokolehiyo na siya. Pangarap niya sanang magkolehiyo sa Maynila pero alam niyang hindi sapat ang naipon ng lola niya para du'n. Plano niya sanang mag-working student pero sinabi nitong sa bayan na lang siya mag-aaral. Bente minutos lang ang biyahe mula sa kanila papunta ng bayan. Kapag pumupunta siya roon ay nagbibisekleta lamang siya kaya't sunog na sunog ang kulay niya kahit maputi naman talaga siya dati.
Mahilig siyang magbasa ng mga libro dati pa at ang paborito niyang basahin ay ang mga pocketbooks na nirerentahan pa niya sa bayan. Hindi niya iyon pinapakita sa lola niya dahil magagalit iyon. Kaya't madalas ay nagbabasa siya kahit patay ang ilaw sa kwarto para isipin nitong tulog na siya. Nagtatalukbong lamang siya ng kumot at gumagamit ng flashlight habang nagbabasa. Kaya tuloy ay nanlalabo na nang tuluyan ang dalawa niyang mata kaya't kailangan na niyang magsuot ng makapal na salamin.
Kulot na kulot ang buhok niya na hanggang beywang ang haba. Tinatali na lamang niya iyon at pinupulupot sa itaas dahil ayaw na ayaw ng lola niyang pagupitan iyon. Ang sabi nito ay iyon daw ang magdadala ng malas sa kanya. Ito rin ang namimili ng mga damit niya. Ang lahat ng damit niya ay mga blusang katulad na katulad ng sinusuot nito. Hindi rin siya pinapasuot ng shorts at pantalon. Lagi niyang suot ay paldang hanggang sakong-sakong ang haba.
Kahit nasa bahay siya ay ganu'n pa rin ang damit niya. Hirap na hirap siyang mag-bike sa ganu'ng kasuotan kaya't lagi ay nagsusuot siya ng shorts sa ilalim ng palda at kapag nagbibisekleta na ay itinataas na lang niya ang palda at iniipit iyon sa dalawang hita para hindi siya mahirapang mag-pedal.
Siya ang paboritong i-bully ng mga kaklase niya sa school pero hindi siya iyong tipong umiiyak sa sulok. Sa katunayan ay wala siyang pakialam sa mga sinasabi ng mga ito. Kahit kasi hindi siya kagandahan ay malakas ang kumpiyansa niya sa sarili dahil pinalaki siyang ganu'n ng lola niya. Isa pa, lagi niyang naiisip na kung may magugustuhan man siyang lalaki ay andiyan naman ang matanda upang tutulungan siyang gayumahin ang maswerteng lalaking iyon para mapasakanya. Piece of cake kumbaga.
Sabado iyon kaya't wala siyang pasok. Nakaugalian na niyang pumunta ng bayan para magrenta uli ng librong babasahin. Suot niya ang mahabang damit na kulay berde. Hindi na niya itinali ang buhok dahil nagmamadali na siya sa sobrang kasabikan. Tapos na kasi niyang basahin ang hiniram niya nu'ng isang araw sa kaklase. Alam niyang mukhang pugad ng ibon ang buhok niya kapag walang tali pero wala siyang pakialam.
Mabilis ang pagpi-pedal niya. Makipot ang daan na tinatahak niya dahil ang nasa paligid ay ang mga tanim na mais. Minsan ay napupuno pa ng mga dumi ng kalabaw ang daan kaya't iniiwasan niya iyon lagi. Mukha pa namang malalaking chocolate cake ang mga iyon na pinapalibutan ng mga malalaking langaw na colorful ang mga puwet.
Wala rin naman kasing dumadaan doon kundi mga bisikelta rin o kaya naman ay motor na pampasahero. Tingin niya naman ay kanyang-kanya ang daan kaya't binibilisan na niya ang pagsikad. Hirap man dahil hindi naman iyon sementado ay okay lang dahil tuyo naman ang daan. Mas mahirap iyon kapag inulan dahil puro putik talaga ang daanan. Kapag ganu'n na ay hindi talaga siya nakakapunta ng bayan dahil nalilibing lang ang mga gulong ng bisekleta niya.
Nakatutok ang tingin niya sa malaking ebak ng kalabaw na nasa unahan. Siyempre, ayaw niya iyong madaanan kaya't hindi niya inaalis ang tingin doon. Hindi niya napansin ang isang kotseng pasalubong sa kanya. Nang mag-angat siya ng tingin dahil sa busina nito ay bigla siyang nag-panic kaya't gumewang-gewang ang takbo ng bike niya. Nanlaki ang mga mata niya nang matutumba na siya at sa mismong ebak pa ng kalabaw. Hindi na niya naiwasan nang natumba na ang bike at napasubsob ang kalahati ng mukha niya sa dumi ng kalabaw.
Hindi siya agad nakakilos lalo't nanunuot sa ilong niya ang mabahong ebak na kinabagsakan ng mukha niya. Naramdaman na lang niyang may tumulong sa kanyang tumayo.
" Ne, okay ka lang?" tanong ng matandang lalaki na sa tingin niya ay ang nagmamaneho ng kotse.
Tatarayan na sana niya ang driver nang humarap siya rito pero biglang natameme nang makita ang katabi nito na isang binatilyo. Sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad nito sa kanya. Nakatitig ang magagandang mga mata nito sa kanya. Hindi man ito nakangiti ay mala-anghel naman ang mukha nito.
" Here, Miss. I believe you need this," sabi nito na inabot pa ang puting panyong dinukot nito sa bulsa.
Oh my God! Patay na ba siya dahil sa sobrang baho ng ebak? Anghel ba ang nasa harapan niya ngayon? Pwera na lang du'n sa matandang katabi nito.
Napanganga siya habang nakatitig pa rin sa lalaki. Biglang may maingay na langaw na umikot-ikot sa mukha niya.
" Gotcha!" biglang nakatawang sabi ng isang lalaki na kakalapit lang sa kanila.
Masayang-masaya ito nang matamaan ng librong bitbit nito ang malaking langaw na muntik nang pumasok sa nakanganga niyang bunganga. Mabilis na itinikom niya ang bibig baka sakaling mapasukan na talaga nang tuluyan ang bunganga niya.
Namamanghang napatingin na rin siya sa lalaking kakalapit lang. Naduduling na ba siya? Naging dalawa na ang hinahangaang lalaki na nakikita niyang nakatayo sa harap niya at parehong nakakunot-noo ang mga ito na nakatitig din sa kanya.
Ipinilig niya ang ulo.
" Hey, Miss. I think kailangan mo munang punasan ang mukha mo kesa maghi-head bang ka diyan dahil tumatalsik ang dumi na nakadikit diyan sa ..." sabi ng binatilyong kakalapit lang.
Inikot-ikot pa nito ang daliri habang tinuturo ang mukha niya. Biglang napahawak siya sa mukha niya at nahawakan niya tuloy ang malagkit na ebak ng kalabaw.
Ewww! Nakakadiri pala ang pagmumukha niya! Alam niyang umiinit ang mga pisngi niya pero siyempre di makikita ng mga ito ang pamumula nu'n dahil sa nagkalat na ebak sa mukha niya.
" Oops!" ito uli ang nagsalita nang makitang pati kamay niya ay nalagyan na ng dumi.
" Here, gamitin mo," muling alok ng unang binatilyong kumausap sa kanya.
Walang imik na kinuha nga niya ang panyong inabot nito at pinahiran ang mukha.
Saka lang niya napansin na magkaiba pala ang mga damit ng dalawa pati ang hairstyle. Ang unang binatilyo ay naka-stripe polo shirt at slacks na itim at maayos na maayos ang buhok habang ang isa naman na siyang pumalo sa langaw ay rugged na rugged ang dating. Naka-black shirt ito at maong na pantalon na may butas pa sa mga tuhod.
" Pasensiya na, Ineng. Ambilis mo kasi at hindi mo yata narinig agad ang unang busina ko," hinging paumanhin ng matandang driver.
" O-okay lang ho. Kasalanan ko po," saka lang lumabas ang boses niya nang mahimasmasan.
" Did you just hit the fly from the feces using my book?" nakakunot-noong baling ng unang binatilyo sa isa nang mapansin ang hawak na libro nito.
Nakangiting tiningnan din ng binatilyo ang librong hawak.
" Bro, instinct ko na lang kasing paluin iyon kasi parang papasok na sa bibig niya," nakangising sagot nito na tumingin na sa kanya.
Tumaas ang kilay niya sa inis dito. Diyata't kambal ang mga ito pero ibang-iba ang personalidad sa isa't-isa.
" Oh, iyong libro mo," biglang ibinigay nito ang libro sa kapatid.
Napatitig ang pinagbigyan nito sa maliit na ebak na parang dumikit sa harap ng libro. Napangiwi ang mukha ng lalaki at saka itinapon iyon sa tabi.
" I'll just buy another one," sabi nito saka ipinahid ang kamay sa slacks na suot kahit hindi naman nadumihan ang kamay nito.
" Alberto, bakit tayo huminto?" biglang may sumilip na matandang babae sa bintana ng kotse.
" Nagising na lola ni'yo. Tara na't bumalik na kayo sa loob," sabi ng driver sa kambal.
"Neng, nasaan ba ang sa inyo nang maihatid ka muna namin?" baling ng driver sa kanya.
" Huwag na ho. Malapit lang ang sa amin at saka baka mag-amoy ebak pa ang kotse n'yo," tanggi niya na muling tumingin sa unang binatilyong nakita niya kanina.
Alam niyang nangingislap ang mga mata niya habang nakatingin dito. Kahit may mga dumi rin ang suot na salamin ay kitang-kita pa rin niya ang kagwapuhan ng binatilyo.
Lord, I think I'm in love! Sigaw ng isip niya na napapatingala pa sa langit nang nakangiti.
Tumalikod na ang binatilyong hinahangaan pero nagtatakang nakatitig sa kanya ang kambal nito.
" Sa lahat nang humalik sa ebak, ikaw lang iyong mukhang masayang-masaya," umiiling na sabi nito bago tumalikod para bumalik ng kotse.
Tse! Atribido! Inis na sabi ng isip niya sa kakatalikod lang na binatilyo. Hindi siya kumikilos sa kinatatayuan hanggang sa umalis na ang kotse. Nang mawala na ito sa pangingin niya ay nabaling ang tingin niya sa librong nasa di kalayuan.
Oh my! Compatible yata talaga sila dahil mahilig ding magbasa ang crush niya. Oo, crush na crush na niya iyong isa sa kambal.
Pinulot niya ang libro at agad na pinunasan ang konting ebak sa harap nito gamit ang laylayan ng damit saka binuklat iyon. May nakita siyang pangalan sa unang pahina ng libro:
CLYDE JOHNSON DEL ESPANIA
Napangiti siya. Bagay na bagay sa kagwapuhan nito ang pangalan ng binatilyo. Isinara niya uli ang libro at biglang hinalikan iyon nang matigilan. May nalalasahan kasi siyang parang mapait. Dinilaan pa niya ang mga labi para siguraduhin ang lasa. Mapait nga na ewan. Saka lang niya naalala na kakapunas niya lang sa ebak na dumikit sa libro. Isa pa, hindi pa niya naalis lahat ng ebak sa mukha niya at may parte pa ng lips niya ang mayroon nu'n!
Awwwrkkk! Bigla siyang parang naduduwal. Agad na kinuha niya uli ang laylayan ng damit at pinunasan ang buong mukha. Lalo pa siyang parang maduduwal nang tuluyan dahil sa nakakasulasok na amoy nu'n.
Mabilis na pinatayo niya ang natumbang bike habang bitbit pa rin ang libro at ang panyo ng binatilyo na punung-puno ng dumi. Hindi niya maitapon ang panyo kahit kulay itim na may halong berde na iyon dahil pinampunas niya iyon kanina. Lalabhan niya kasi ang panyo at itatago pati na ang librong pag-aari ng crush niya.
Sumakay na uli siya sa bike at walang nagawa kundi umuwi sa bahay nila. Hindi naman siya pwedeng tumuloy sa bayan sa ganu'ng hitsura at amoy!
Habang pauwi ay saka lang niya naisip na papunta sa kanila ang kotse ng mga ito kanina. Wala naman kasing ibang bahay na nakatayo sa direksiyon na iyon kundi sa lola lang niya.
Ano'ng kailangan ng mga ito sa lola niya?
Binilisan na niya uli ang pag-pedal. Tumigil lang siya nang makita sa harap ng bahay nila ang kotseng sinakyan ng mga ito kanina. Lalo pa siyang napamulagat nang makita ang kambal sa labas ng bahay nila at nakaupo sa may hagdanan sa labas.
Grabe, Lord! Ang aga mo namang ipinakilala sa akin ang destiny ko! Tumingala uli siya sa langit habang pinagdikit ang mga palad na parang nagdarasal. Anlaki ng ngiti niya.
" Naiintriga na talaga ako sa ebak ng kalabaw dito sa inyo. Nakaka-high ba iyon at kanina ka pa ngiti nang ngiti?" malakas ang boses ng nagtatanong na iyon.
Nawala ang ngiti niya at napatingin na sa harap. Nakita pala siya uli nito sa ganoong reaksiyon. Hindi pa siya nakakalapit sa dalawa ay napansin na pala agad siya ng loko.
" Kung naiintriga ka, bakit di mo subukang isubsob din ang mukha mo du'n?" hindi na niya napigilang sagot dito na may kalakip na inis ang boses.
Tumawa lang ito nang pagkalakas-lakas sa sinabi niya.
Bwiset! Mas lalo siyang nainis sa reaksiyon nito.
" Stop it Kyle!" saway ng kambal nito na nakatutok naman ang tingin sa librong hawak.
Biglang nawala ang inis sa pagmumukha niya at lumalamlam ang mga matang napatitig sa binatilyo habang papalapit sa mga ito.
" Woah! Mukhang may nabihag ka pang probinsiyana dito, tol! Bilib na talaga ako sa karisma mo!" muli ay narinig niya ang malakas na tawa ng kapatid nito.
Napakuyom ang mga palad niyang may hawak ng panyong puno ng ebak.
Naku! Kung hindi lang ito panyo ng mahal ko, ipinasok ko na sana ito sa bibig mo! Gigil na gigil na sabi ng utak niya habang tinititigan nang masama ang binatilyong tawa pa rin nang tawa na nakatingin sa kanya.
Sa past life niya ay isa siyang prinsesa na hinahangaan ng marami dahil sa taglay na ganda. Dahil nga sa kagandahang iyon ay nahihirapang pumili ang pihikan niyang puso. Iniisip din niyang pinagnanasaan siya ng lahat ng kalalakihan. Dahil sa paniniwalang iyon ay napahamak ang isang binatilyo. Galit na isinumpa siya ng lalaking kapatid ng binatilyong nabulag ang isang mata dahil sa kanya. Sa susunod daw niyang buhay ay walang kahit isa na mahahalina sa kanyang mukha at katawan. Isang lalaki lang ang pupukaw sa pagnanasa niya at gagawin daw niya ang lahat para mapagbigyan ang pagnanasang iyon. Present life... Kabaliktaran siya ng kung ano siya noon. Walang sino mang lalaki ang napapalingon sa kanya dahil sa paghanga. Lumilingon lang ang mga ito para pagtawanan ang hitsura niya. Hindi siya pinatulan kahit pa ng pangit niyang kaklase dati. Hindi rin naman siya nakakaramdam ng kahit anong pagnanasa sa katawan. Nagbago ang lahat ng iyon nang makilala niya si Eli Buenaventura. At nagsimula na nga ang sumpang ipinataw sa kanya ng lalaki sa past life niya. Paano ba maaakit ng isang babaeng puno ng taghiyawat ang mukha, na may kulot at Afro na buhok, at mukhang manang ang mga damit ang gwapong-gwapong si Eli? Hindi niya kontrolado ang pagnanasang nararamdaman ng katawan niya sa tuwing nakikita ang lalaki. Ito na ba ang resulta ng sumpa sa kanya sa dati niyang buhay?