Di pa man sikat, laos na. Iyan ang taguri kay Paloma ng showbizlandia na isang dating sikat na singer. Hirap na siyang makakuha ng singing engagement at kahit mga simpleng acting roles. Nang kumalat ang picture ni Carrot Man, ang lalaking minsan niyang minahal, naisipan ng management niya na kailangan niyang hanapin ang lalaki para maibalik ang tambalan nila at bumango ulit siya sa mga tao. Pero sa kabila ng katakot-takot na hirap niya sa binata para mahanap ito ay ipinagtabuyan lang siya ng lalaki. Alam niya sa puso niya na hindi na kasikatan ang habol niya mula dito kundi ang pagmamahal nito. Paano kung sa pagbalik nila sa sibilisasyon ay malaman nito ang panlilinlang niya? Kakayanin ba ng puso niya na tuluyan nang mawala ang mga pangarap niya at ang lalaking mahal niya?
Mabilis ang pagtapik ni Paloma sa paa niya habang nasa waiting room. Natetensiyon siya habang nasa waiting area at hinihintay na ipatawag ng mga judges sa singing competition na Ikaw ang Star. Mula sa pumasa sa first round of audition ay haharap sila sa celebrity judges. Mula sa isang daang pumasa ay pipili ng dose na ipapadala sa Maynila para makalaban ang iba pang kalahok mula sa iba't ibang rehiyon ng Pilipinas. Malapit na niyang matupad ang mga pangarap niya. Pero naroon pa rin ang takot sa puso niya na baka hindi siya mapasok sa kompetisyon. Maraming magagaling.
At nag-aalala siya na baka gaya ng ibang nasalihan niyang contest ay hindi siya nakakabilang sa pinakamagagaling.
Mariin siyang pumikit habang naririnig sa isipan niya ang boses ng Tiya Bevz niya. Kapag hindi ka pa nakapasok dito, ano nalang ang mangyayari sa atin? Mawawala na tayo ng bahay. Mawawala pa ang bar. Paano na kayo mag-aaral ni Bernardo sa magagandang eskwelahan ninyo ngayon? Mawawala ang lahat ng magagandang bagay na mayroon kayo ngayon. Magiging mahirap na tayo.
Malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya. Na parang siya na lang ang pwedeng sumagip sa pamilya niya. Ang tiyahin na lang at ang pinsang si Bernardo ang pamilya niya. Iniwan siya sa mga ito ng nanay niya noong sampung taong gulang na siya at di na siya binalikan. Di rin niya kilala kung sino ang kanyang ama.
Habang hiwalay naman ang tiyahin niya sa asawa nitong direktor. Binuhay sila ng tiyahin sa pagiging singer nito sa mga hotel at bar. Nagtayo din ito ng sariling bar subalit nang nakaraang taon lang ay nalugi iyon dahil nagkaproblema sa IRS ang business partner nitong nasa Amerika.
Hirap na itong humanap ng mapapasukan dahil marami nang mas maganda at mas batang performer dito. Ang tanging pag-asa na lang ng tiyahin ay maging sikat siyang mang-aawit at magkaroon ng exposure sa telebisyon. Mas maraming oportunidad ang magbubukas sa kanya lalo na kapag nakarating siya sa Maynila
Pakiramdam niya kapag di siya nakapasok sa susunod na round ay tuluyan nang masisira ang pamilya niya at pangarap.
Napapitlag siya nang may humawak sa balikat niya. "O! Tensiyonado ka na naman."
"Jeyrick!" aniya at awtomatikong ngumiti.
"Bumili lang ako ng pagkain natin tapos anu-ano na naman ang iniisip mo," nakakunot ang noo na sabi ng lalaki.
"Kinakabahan kasi ako. Paano kung hindi ako makapasa?" Paano kung magkalayo na tayong dalawa? Paano kung hindi na tayo magkita?
Inabutan siya ng binata ng carrot cake. "O! Kumain ka muna. Paborito mo iyan."
Nagsalubong ang kilay niya. "Carrot cake? Alam mo na bawal sa lalamunan ko ang..."
"Kailangan mo ng reward. Magaling ka sa audition kanina. Di ba maganda naman ang comment ng judges?" tanong nito sa kanya.
"Oo. Pero may mga sabit din naman ako. Nakaalalay ka lang sa akin kaya maganda ang performance natin."
Kinuha nito ang carrot cake sa kanya at inilapit sa bibig niya. "Kagat."
Bumukha ang bibig niya dahil gusto pa niyang ipaliwanag dito ang alalahanin niya pero sa huli ay kumagat siya ng carrot cake gaya ng utos nito. Saka niya na-realize na gutom pala siya. Kinuha niya ang carrot cake mula sa binata at siya na mismo ang sumubo. Di na siya kumibo habang kumakain at inabutan siya nito ng tubig. Habang siya ay kinakabahan ay prenteng-prente lang si Jeyrick na parang di ito kasali sa kompetisyon.
"Hindi ka ba kinakabahan sa resulta?" tanong niya dito.
Umiling ito. "Hindi. Kumanta na ako. Bahala na ang mga judges sa akin. Nagawa ko na ang parte ko at dapat ganoon din ang gawin mo.x
"Paano nga kung hindi ako napasok?" Malakas ang pakiramdam niya na mapapasok si Jeyrick. Gusto ito ng mga hurado. Kahit ang mga staff at iba pang kalahok na kasama nila sa waiting room ay puro papuri dito.
"Makakapasok ka. Magtiwala ka lang sa Diyos. Kapag para sa iyo, para sa iyo. At kapag hindi, may dadating pang mas maganda..."
Umiling si Paloma. "Wala nang ibang pagkakataon, Jeyrick. Ito na ang huling pagkakataon para sa akin." Mawawala na sa kanya ang pamilya niya, ang pangarap niya pati ang binata kapag di siya nakapasok. Di niya alam kung saan siya pupulutin.
Naging seryoso ang binata at tinitigan siya sa mga mata. "Paloma, may ipinangako na ba ako sa iyo noon na hindi ko tinupad?"
"W-Wala."
"Hindi ba sinabi ko sa iyo na walang imposible basta kasama mo ako. Dahil gagawin ko ang lahat para sa iyo."
"Pero paano nga iyon?" giit niya.
"Basta. Kahit anong mangyari, matutupad ang mga pangarap mo. Oo nga pala. May ikukwento ako sa iyo tungkol sa kay Lolo Pio noong panahon ng Martial Law."
Sa huli ay nagawa siyang patawanin ng binata at alisin ang alalahanin niya. Si Jeyrick ang nagdadala ng saya sa buhay niya. Habang napaka-seryoso ng buhay niya, nagagawa nitong parang simple lang ang lahat. Lumaki siya na iniisip na mahalaga ang pera at katanyagan dahil di ka maaapi. Kay Jeyrick ay natutunann niya na maari kang masaya kahit na simple lang ang buhay. Kung pwede lang sanang kalimutan na lang ang lahat ng problema niya.
Maya maya pa ay isa-isa nang nagkaubusan ang mga kalahok. May lumalabas ng luhaan sa mini theater ng hotel at mayroon din namang masaya. "Smile. Be confident. Gusto nila ng star at hindi isang di pa man kumakanta mukha nang talunan," bilin ng Tiya Bevz niya habang nire-retouch ang make up niya at nakaismid na nilingon si Jeyrick na tahimik lang na nakaupo sa isang tabi habang nakayuko. "Basta tiyakin mo na hindi ka lalabas ng kuwarto na iyan nang wala kang star. Maliwanag?"
Tumango si Paloma. Kaya niya ito. Naniniwala siya na makakapasa siya dahil iyon ang sinabi ni Jeyrick sa kanya. Magkasama sila sa labang ito. Di siya nito iiwan.
Magkahawak-kamay silang umakyat ng binata entablado. Sila na pala ang huling haharap sa mga hurado. Tatlo sa kilalang singer sa bansa ang hurado sa You're A Star.
"Pareho kayong magaling," sabi ni Leliosa, ang dating Broadway singer. "Paloma, I like the fact that you sing an original song. Hindi ganoon kasuwabe pero may potential. Mas mahahasa ka pa kung idadala ka sa next round."
"You are like a siren when you sing, Paloma" anang rock icon na si Randall. "While Jeyrick has that cool, soothing voice that could take you to places. Pwede na nga siyang maging recording artist ngayon."
"Pero kahit na pareho kayong magaling, isa lang ang pipiliin namin sa inyo. Isa lang ang maaring pumasa sa susunod na round at maidadala namin sa Manila," sabi ng record label producer na si TJ Javellana.
Umiling si Paloma at nilingon si Jeyrick. "Di pwede..."
"Ayos lang kahit di ako mapasok," nakangiting sabi ni Jeyrick at pinisil ang kamay niya. "Ikaw na iyan. Kahit na hindi ako mapili, basta mapasok ka lang."
Nagpatuloy si TJ Javellana. "You are moving on to the next round of You Are A Star... Jeyrick!"
Nagpunta si Yngrid sa Camiguin para mag-relax kasama ang mga kaibigan. Umaasa siya na sa loob ng tatlong araw na bakasyon ay may mababago sa kanyang boring na buhay. Kasama na sa misyon niya ang makatagpo ng isang hot at guwapong lalaki na magbibigay ng kulay sa kanyang monotonous na buhay. Enter Kenji Matsunaga – ang fashion model na crush na crush niya. Ito ang sumagip sa buhay niya matapos siyang malaglag sa pool. Those three days in Camiguin with him was perfect. Hanggang malaman na lang niya na si Kenji pala ang boyfriend ng mortal niyang kaaway na si Margaret Choi. Habang friendzoned lang ang ganda niya. Pero nang makita niyang umiyak si Kenji dahil kay Margaret, alam niyang gagawin niya ang lahat para di na lumuha pa si Kenji. At iyon ay sa piling niya. Ipaglalaban niya si Kenji kahit na nga ba hindi siya ang mahal nito?
Misyon ni Cattleya Bautista sa pagpunta sa Germany na kumbinsihin si Liam Aramis na pumirma ng kontrata sa El Mundo Football Club. Kung hindi niya ito mapapapirma ay huwag na lang daw siyang umuwi ng Pilipinas ayon sa pinsan niya na manager ng club na si Pierro Dantes. Pero di lang basta ayaw pumirma ni Liam sa kontrata. Hindi na ito iginalang ang pagiging assistant manager niya. Pinaghinalaan pa siya nito na handang ialay ang katawan at puri niya dito para lang makumbinsi itong pumirma ng kontrata. Sa huli ay wala na siyang mapagpipilian kundi hamunin ito sa isang beer-drinking contest. Kapag natalo siya, hindi na niya ito kukulitin pang pumirma sa El Mundo FC. And she also owed him a passionate night together. Sa kamalas-malasan ay natalo siya. Di na nga siya makakauwi ng Pilipinas ay nanganganib pa ang puri niya.
Jaidyleen realized that she was leading a boring life. Lumilipas ang panahon na wala siyang ginawa kundi magtrabaho at pagsilbihan ang kanyang pamilya. Pero nang maaksidente siya, saka lang na-realize ni Jaidyleen kung ano ang nami-miss niya sa buhay. Ang una niyang naisip gawin—magpakasaya sa isang football match at halikan si Angel Aldeguer, ang paborito niyang half Spanish-half Filipino football player. From a staid and serious woman, she transformed herself into a certified fangirl. Ang akala niya ay ayos lang iyon. She was just a girl having fun. Wala rin namang nakakaalam. Hanggang isang araw ay natuklasan ni Jaidyleen na isa si Angel sa magiging estudyante niya sa language class. Hindi lang puso niya ang namemeligro kundi pati ang trabaho niya at ang reputasyon na matagal din niyang iningatan. Pero paano niya mapipigilan ang sarili na ma-red card kung isang ngiti lang ni Angel sabay sabing, ‘matanda ka” ay off-side na ang puso niya?
Sworn enemies. Iyan ang taguri nina Zafira at Greco sa isa’t isa. Para kay Greco, hindi siya magandang impluwensiya sa kababata nitong si Charishma na matalik naman niyang kaibigan. Hindi daw maganda ang family background niya dahil ang ama niya ay isang sikat na archaeological looter. Kaya nga kahit minsan ay di sumagi sa isip niya na magustuhan ito kahit pa guwapo ito at matalino. Lalaitin lang nito ang pagkatao niya. Kaya nagulat na lang siya nang biglang i-anunsiyo ni Greco sa lahat na girlfriend na siya nito. Hanggang alukin siya nito na maging totoong girlfriend nito. Sasakay ba siya sa kalokohan nito o bibigyan niya ang sarili ng pagkakataon na maranasang maging totoong girlfriend nito?
Simple lang ang plano ni Jeremie sa pagsama sa cruise. Ang mag-relax bago siya bumalik sa Pilipinas at harapin ang mga responsibilidad niya sa pamilya niya. Hanggang mapanalunan niya sa isang game ang isang date kasama si Lucian Montecillo, who was also known as the Pirate Lord. He owned Asia’s most promising cruise ship. Guwapo sana ito pero suplado at parang may allergy sa mga babae. Ayaw nito sa kanya and the feeling was mutual. Iginigiit nito na kagaya siya ng ibang babae na naghahabol dito na gusto itong akitin at siluin sa kasal. Sa gitna ng paglilitanya nito, she walked out on him. Hindi niya matatagalan ang kaarogantehan nito. “Hey, wait!” Nagulat siya nang humarang sa harapan niya si Lucian. “Yes?” “I am still your prize.” Hinapit nito ang baywang niya. Magkadikit na ang katawan nila at gayundin ang mga mukha nila. “Be my date.”
Masaya na si Aurora sa simpleng buhay niya sa Isla Juventus. Kahit na malayo sa sibilisasyon, walang kuryente, walang radyo o telebisyon ay kuntento na siya. Isa siyang mabait na anak na handang magpakasal sa lalaking pinili ng ama niya. Subalit nang dumating sa buhay niya ang guwapong estrangherong si Alvaro, parang naisip niya na parang may kulang sa buhay niya. Misteryoso ito at nagmula sa mundo na hindi kailanman niya binalak na puntahan – ang magulong lungsod ng Maynila. Nabuhay ang kuryosidad niya at kapag nahuhuli niya itong nakatitig sa kanya, parang sasabog ang puso niya. Iniwan na daw nito ang magulong buhay sa Maynila at gusto na daw nito ng bagong buhay kasama siya. Subalit paano kung sumabog sa harapan niya ang misteryo ng pagkatao ni Alvaro at nakatakdang guluhin ang tahimik na buhay niya sa isla?